Beristain: Pacquiao tatalunin si Bradley
MANILA, Philippines – Kagaya ng kanilang ikalawang pagkikita noong Abril ng 2014, muling tatalunin ni Manny Pacquiao si Timothy Bradley Jr. sa pangatlo nilang pagtutuos sa Abril 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Ito ang pahayag ni Nacho Beristain, ang chief trainer ni Mexican world four-division titlist Juan Manuel Marquez, kaugnay sa ‘trilogy’ ng 37-anyos na si Pacquiao at ng 33-anyos na si Bradley.
Ayon kay Beristain, tiyak siyang walang ipapakitang bagong istilo si Bradley, ang kasalukuyang World Boxing Organization welterweight king, sa muli niyang pagharap kay Pacquiao.
“No, I do not think Bradley will have a greater opportunity to get the win because Bradley is the same fighter with that stinking, fast and difficult style,” opinyon ni Beristain.
At maski ang paghugot ni Bradley kay Teddy Atlas bilang bagong trainer ay hindi makakatulong sa kanya para talunin ang world eight-divison champion na si Pacquiao.
“I do not think Teddy Atlas will create a change of such magnitude that Pacquiao is going to leave boxing with a loss,” dagdag ng Mexican cornerman.
Tinalo ni Bradley si Pacquiao mula sa kontrobersyal na split decision sa una nilang pagkikita noong Hunyo ng 2012 bago nakaresbak si ‘Pacman’ sa pamamagitan ng unanimous decision win sa rematch nila noong Abril ng 2014.
Sinabi ni Pacquiao na ito na ang magiging pinakahuli niyang laban bago tuluyang magretiro at tutukan ang kanyang political career.
Sinabi ni Beristain, iginiya si Marquez sa sixth-round KO victory kay Pacquiao noong Disyembre ng 2012, na hindi papayag si Pacquiao na lisanin ang boxing na isang talunan.
- Latest