Bullpups lumapit sa sweep
MANILA, Philippines – Lumapit sa inaasam na sweep ang National University matapos sakmalin ang University of the Philippines Integrated School kahapon sa UAAP Season 78 juniors basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Bumanat si Most Valuable Player contender Justine Baltazar ng 13 puntos at 19 rebounds para pamunuan ang Bullpups na mapanatili ang malinis na rekord tangan ang 12-0.
Dalawang panalo na lamang ang kakailanganin ng NU upang pormal na masungkit ang awtomatikong tiket sa finals kalakip ang thrice-to-beat advantage.
Sunod na makakaharap ng NU ang University of the East sa Miyerkules bago ang De La Salle-Zobel sa kanilang huling asignatura sa Sabado.
Sa iba pang resulta, humakot si Aljun Melecio ng 22 puntos, anim na rebounds at limang assists para hatakin ang La Salle-Zobel sa 110-64 demolisyon laban sa UE.
Umangat sa 10-4 baraha ang Junior Archers upang okupahan ang ikalawang puwesto samantalang lumasap ng ika-12 sunod na kabiguan ang Junior Warriors.
Nanaig din ang Ateneo de Manila University kontra sa Adamson University sa bisa ng 82-73 panalo para pagandahin ang kanilang kartada sa 8-4.
Kumuha ng lakas ang Blue Eaglets kina Jolo Mendoza na nagtala ng16 puntos at Shaun Ildefonso na nagrehistro ng 15 puntos at 16 rebounds.
Ang Baby Falcons ay nahulog sa 6-6 marka.
Sumulong sa ikaapat na puwesto ang FEU-Diliman matapos itarak ang 86-66 panalo laban sa UST.
May naisumiteng tig-12 sina Jun Gabane, Eric Gabel at Xyrus Torres para sa Baby Tamaraws na napaganda ang kanilang rekord sa 7-5.
- Latest