Lady Eagles vs Lady Bulldogs sa UAAP volley opening
Laro sa Linggo
(The Arena)
8 a.m. FEU vs UP (Men)
10 a.m. Ateneo vs UST (M)
2 p.m. UP vs UE (W)
4 p.m. Ateneo vs NU (W)
MANILA, Philippines – Muling masasaksihan ang paluan ng pinakamatitikas na collegiate volleyball players sa paglarga ng University Athletic Association Season 78 women’s volleyball tournament sa Linggo sa The Arena sa San Juan City.
Sisimulan ng Ateneo de Manila University ang pagdepensa sa kanilang titulo sa pakikipagtuos sa National University sa alas-4 ng hapon habang masisilayan naman ang pukpukan ng season host University of the Philippines at University of the East sa unang laro sa alas-2.
Babanderahan ni two-time Most Valuable Player Alyssa Valdez ang ratsada ng Lady Eagles ngunit kukuha rin ito ng suporta mula sa kanyang ka-tropang sina middle hitters Amy Ahomiro at Bea de Leon, open spiker Joanna Maraguinot at veteran setter Jia Morado.
Inaasahang matinding bakbakan ang masisilayan dahil ipaparada naman ng Lady Bulldogs ang 6-foot-5 na si Jaja Santiago kasama si dating Best Spiker Myla Pablo at Philippine Superliga Grand Prix Best Setter Ivy Perez.
Kukuha rin ng puwersa ang Lady Bulldogs kina Jorelle Singh at Aiko Urdas habang mamanduhan naman ni libero Bia General ang floor defense ng kanilang koponan.
Sa kabilang banda, isa rin ang Lady Maroons sa itinuturing na Final Four contender sa taong ito dahil magbabalik-aksyon sina Katherine Bersola at Nicole Tiamzon.
Nakalinya rin ang mahuhusay na rookies sa pangunguna nina Isa Molde, Justine Dorog at Diana Carlos.
- Latest