Lady Blazers SA 2-peat naka-pokus
MANILA, Philippines – Back-to-back title ang sunod na tatargetin ng College of Saint Benilde matapos na kubrahin ang kampeonato sa NCAA Season 91 women’s volleyball tournament kamakalawa ng gabi sa The Arena sa San Juan City.
Hindi biro ang pinagdaanan ng Lady Blazers dahil kinailangan nitong talunin ang San Sebastian College ng tatlong ulit bago makuha ang kanilang kauna-unahang titulo sa liga.
Nakasiguro ang Lady Stags ng thrice-to-beat advantage at awtomatikong tiket sa finals matapos walisin ang kanilang siyam na laro sa eliminasyon.
Sa kabilang banda, ang St. Benilde ay nasa ikaapat na puwesto dahilan upang dumaan ito sa stepladder semis kung saan pinatumba nito ang University of Perpetual Help System Dalta kasunod ang pagpapatalsik sa kontensiyon sa Season 90 titlist Arellano University.
Sa finals, dalawang sunod na panalo ang agad na itinarak ng Lady Blazers sa Game 1 (24-26, 25-21, 25-19, 25-13) at Game 2 (25-23, 21-25, 25-22, 25-16) bago nakabalik sa porma ang San Sebastian sa Game 3 (25-22, 25-19, 26-28, 25-23).
Sa Game 4, tiniyak ng St. Benilde na hindi na makakawala pa ang korona sa kanilang kamay matapos iselyo ang 25-22, 25-23, 22-25, 25-22 panalo laban sa San Sebastian.
At sa kanilang tangkang maipagtanggol ang korona, inatasan ni Lady Blazers head coach Michael Cariño si Finals MVP Jeanette Panaga na pangunahan ang kanilang kampanya sa susunod na taon bilang team captain.
“Siya na (ang team captain),” pahayag ni Cariño na pinangalanan ding Coach of the Year.
Malaking tulong si Panaga upang pigilan ang matikas na ratsada ni San Sebastian skipper Grethcel Soltones na nalimitahan lamang sa 19 puntos, bahagyang malayo mula sa kanyang average scoring na 28.3 sa serye.
Umiskor si Panaga ng 16 puntos tampok ang pitong blocks.
“Hindi madaling maging team captain dahil malaking resposibilidad ito pero tinanggap ko ang challenge,” wika ni Panaga.
Hindi inakala ni Cariño na madadala nito ang Lady Blazers sa kampeonato.
“The first time I saw them, I thought I’m handling a sumo team and not a volleyball team,” pagbibiro nito.
Si Cariño ang pumalit sa puwesto ni dating SEA Games champion Thelma Barina-Rojas bilang mentor ng koponan may tatlong taon na ang nakalilipas kung saan unti-unting binago ni Cariño ang sistema na nagresulta ng maganda para sa Lady Blazers. (Chris Co)
- Latest