Zamora, Mojdeh bumandera sa 5 records na nawasak
MANILA, Philippines – Limang bagong rekord ang naitala sa unang araw ng kumpetisyon ng 89th Philippine Swimming League (PSL) National Series - Mayor Romulo “Kid” Peña Swim Meet sa Makati Aquatic Sports Arena sa Makati City.
Nanguna sa ratsada sina Swimmer of the Year candidates Sean Terence Zamora ng University of Santo Tomas at Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque na dinomina ang kani-kanilang paboritong events.
Nairehistro ni Zamora ang isang minuto at 0.09 segundo sa boys’ 15-over 100m butterfly upang burahin ang 1:00.31 na lumang marka ni Michael Roviro Godoy na naitala may apat na taon na ang nakalilipas.
Umariba rin si Mojdeh sa girls’ 9 years 50m butterfly nang ilista nito ang 34.04 segundo para tabunan ang kanyang dating rekord na 35.62 noong nakaraang taon.
Humataw din ng bagong marka sina Marc Bryan Dula ng Weisenheimer Academy (boys’ 8 50m butterfly, 36.37), Kyla Soguilon ng Sun Yat Sen School (girls’ 11 100m butterfly, 1:12.75) at Eirik Judel Rivera ng Malabon City (boys’ 10 50m butterfly, 32.28).
Nakasungkit din ng gintong medalya sina Andrea Jheremy Pacheco (girls’ 15-over 50m buttefly), Julian Loweistein Lazaro (boys’ 13 50m butterfly), Lans Rawlin Donato (boys’ 15-over 50m butterfly), Aubrey Tom (girls’ 9 100m freestyle), Maxine Dalmacio (girls’ 10 100m freestyle), Felice Alexis Reyes (girls’ 14 100m freestyle), Carmenrose Matabuena (girls’ 15-over 100m freestyle), Jerard Dominic Jacinto (boys’ 14 400m freestyle), Trump Christian Luistro (boys’ 7 50m butterfly) at Jux Keaton Solita (boys’ 15-over 400m freestyle).
- Latest