Warriors diniskaril ang Pacers Curry nagpasikat sa pagbabalik ni Kerr
OAKLAND, Calif. – Isinalpak ni Stephen Curry ang isang banked shot mula sa midcourt na may kamay sa kanyang mukha bago tumunog ang halftime buzzer.
Tumapos siya na may 39 points na kasama sa kanyang triple-double para ibigay kay coach Steve Kerr ang season debut win sa 122-110 panalo ng Golden State Warriors laban sa Indiana Pacers.
Nagbalik si Kerr buhat sa isang leave of absence sapul noong Oct. 1 dahil sa komplikasyon makaraang sumailalim sa dalawang back surgeries.
Itinala ng Warriors ang kanilang ika-38 sunod na home game victory sa Oracle Arena para duplikahan ang inilista ng 1985-86 Boston Celtics team para sa third-longest home winning streak all-time.
May 20-0 record ang Warriors sa kanilang tahanan ngayong season.
Nagdagdag si Curry ng 12 assists at 10 rebounds para sa kanyang ikalawang triple-double sa season at pang-pito sa kanyang career.
Matapos isalpak ng reigning MVP ang kanyang pang-201 na three-pointer sa 6:26 minuto sa third quarter ay kinabog niya ang kanyang dibdib.
Nagdagdag naman si Draymond Green ng 22 points at 11 rebounds.
Si Curry ang naging unang player sa NBA history na kumonekta ng 200 triple sa apat na sunod na seasons.
Ang tanging player na may higit sa apat na seasons na kumonekta ng 200 triples ay si Ray Allen na may lima.
Sa iba pang laro, tinalo ng Charlotte Hornets ang Orlando Magic, 120-116; binigo ng Boston Celtics ang Chicago Bulls, 110-101; dinaig ng Utah Jazz ang Brooklyn Nets, 108-86 at pinahiya ng Toronto Raptors ang Miami Heat, 101-81.
- Latest