James, Cavs tinambakan ng Warriors
CLEVELAND – Hindi naamoy ni Stephen Curry ang champagne kundi dugo.
Kumamada si Curry ng 35 points sa tatlong yugto at nagdagdag ng 20 si Andre Iguodala para sa pagbabalik ng Golden State sa arena kung saan nila inangkin ang NBA championship noong nakaraang season at hiyain ang Cavaliers, 132-98.
Nagposte ang Warriors ng 30-point lead sa first half bago ito pinalobo sa 43 matapos ang halftime para makabangon mula sa kabiguan sa Detroit Pistons.
Ito ang pang-limang sunod na panalo ng Golden State sa Cleveland.
“They did what they wanted,” sabi ni LeBron James sa Warriors.
Nagsalpak si Curry ng pitong 3-pointers at ang pang-huli ay nagbigay sa Warriors ng 40-point lead sa dulo ng third quarter.
Sa Quicken Loans Arena inangkin ng Warriors ang una nilang NBA title sapul noong 1975.
Sinabi ni Curry na umasa siyang makakaamoy sa visitor's locker room ng champagne.
“The last time I was there we had a trophy, we had champagne and we had goggles,” wika ni Curry sa Game 6 ng nakaraang NBA Finals.
Tumapos naman si James na 16 points para sa Cavs, habang may 8 points si Kyrie Irving mula sa 3-of-11 shooting at may 3 markers si Kevin Love.
Samantala, tinalo ng New York Knicks ang Philadelphia, 119-113; binigo ng Charlotte Hornets ang Utah Jazz, 124-119; giniba ng Portland Trail Blazers ang Washington Wizards, 108-98; dinaig ng Memphis ang New Orleans, 101-99; dinurog ng Chicago Bull ang Detroit Pistons, 111-101; pinadapa ng Atlanta Hawks ang Orlando, 98-81; inungusan ng Dallas Mavericks ang Boston, 118-113; at tinalo ng Toronto Raptors ang Brooklyn Nets, 112-100.
- Latest