Sa 91st NCAA women’s volleyball tournament Lady Stags kinumpleto ang sweep para sa finals berth
MANILA, Philippines – Pinabagsak ng San Sebastian Lady Stags ang College of Saint Benilde Lady Blazers, 25-20, 22-25, 25-17, 25-18, upang makumpleto ang matamis na pagwalis sa elimination round at awtomatikong masungkit ang unang silya sa finals kahapon sa NCAA Season 91 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Pinatunayan ni Grethcel Soltones na siya ang reigning Most Valuable Player ng liga matapos bumira ng 32 puntos para sa Lady Stags.
Tampok dito ang 24 atake at anim na aces para tulungan ang San Sebastian na mailista ang kanilang ika-siyam na sunod na panalo.
“We just want to make history and make the school proud,” pahayag ni head coach Roger Gorayeb sa naturang panalo ng kanyang Lady Stags.
Magtataglay ang San Sebastian ng pambihirang ‘thrice-to-beat’ advantage sa championship round.
Ang tatlong susunod na koponan sa Lady Stags ay dadaan naman sa stepladder semifinals.
Sa stepladder format, ang No. 2 at defending champion na Arellano University na may 8-1 rekord sa eliminasyon ay bibigyan ng ‘twice-to-beat’ advantage.
Ang magwawagi sa pagitan ng No. 3 University of Perpetual Help System Dalta (7-2) at No. 4 St. Benilde (6-3) ang siyang haharap sa Arellano.
Sa men’s division, iginupo ng Perpetual Help Altas ang Colegio de San Juan de Letran Knights, 25-15, 25-22, 25-18, para mahablot ang ‘twice-to-beat’ card sa semis.
Nagtulong sina team captain Bonjomar Castel at Rey Taneo, Jr. sa pagkolekta ng 22 puntos para pamunuan ang Altas sa kanilang ika-walong panalo sa siyam na laro.
Kasalo ng Perpetual ang Emilio Aguinaldo College (8-1) sa unahan ng standings kaya’t isang playoff sa pagitan ng dalawang koponan ang lalaruin bukas upang madetermina ang pinal na puwestuhan.
Ang mananaig ang siyang kukuha sa top seeding para harapin ang No. 4 sa Final Four, habang ang matatalo ang magiging No. 2 at haharapin ang No.3 team.
- Latest