Bulls sinuwag ang Knicks
CHICAGO – Kinausap ni Bobby Portis ang kanyang sarili sa kanyang pagtapak sa court at sinabing, “Come on, B.P.” para lakasan ang kanyang loob.
Maaaring tumikada ang rookie forward sa labas at umiskor sa loob.
At nagpakita siya ng husay sa lahat ng Chicago Bulls.
Humakot si Portis ng 16 points at 10 rebounds para sa kanyang ikatlong sunod na double figures at nilimitahan ng Bulls ang New York Knicks sa fourth quarter para kunin ang 108-81 panalo.
Ang 6-foot-11 na si Portis ay ang first-round pick sa nakaraang draft, ngunit halos hindi pa siya nakakalaro ngayong season.
Nang magkaroon ng injury si center Joakim Noah ay sinamantala ni Portis ang pagkakataon.
Umiskor naman si Jimmy Butler ng 23 points para sa ikaapat na panalo ng Chicago sa huli nilang limang laro, habang nagdagdag si Nikola Mirotic ng 17 points at career-high 7 assists at kumolekta si Pau Gasol ng 17 points at 8 rebounds.
Pinamunuan ni Carmelo Anthony ang Knicks, naipatalo ang lima sa huling anim na laban, sa kanyang 20 points at 7 rebounds at nagsalpak si Jose Calderon ng 3-for-3 shooting sa 3-point range at tumapos na may 18 points.
Sinayang ng Bulls ang itinayong 17-point lead bago muling nakalayo sa Knicks sa final period kung saan tumipa si Portis ng dalawang free throws at umiskor sina Mirotic at Butler bilang bahagi ng 20-6 atake na nagbigay sa kanila ng 97-79 bentahe sa huling 4:48 minuto.
Nakaiskor lamang ang New York ng 8 points sa huling 12 minuto sa fourth period para sa lowest total sa franchise history.
Sa iba pang laro, tinalo ng Miami Heat ang Dallas Mavericks, 106-82; binigo ng Los Angeles Lakers ang Philadelphia 76ers, 93-84; pinatumba ng Washington Wizards ang Orlando Magic, 103-91 at dinaig ng Toronto Raptors ang Charlotte Hornets, 104-94.
- Latest