Warriors balik uli sa porma, Rockets binawian
HOUSTON--Matapos iposte ni Draymond Green ang kanyang NBA-leading na pang-limang triple-double ay tinanong siya kung dapat mag-alala si Stephen Curry dahil inaagaw niya ang trabaho nito bilang point guard habang may leg injury ang NBA MVP.
“I don’t think Steph Curry got to worry about too much of nothing,” natawang wika ni Green.
Umiskor si Klay Thompson ng 38 points, habang naglista si Green ng career-high na 16 assists at nagdagdag ng 10 points at 11 rebounds para akayin ang nagdedepensang Golden State Warriors sa 114-110 pagtakas sa Houston Rockets.
“I just tried to step up and make plays. One thing we talked about was kind of trying to slow the pace of the game down and executing our offense,” ani Green.
Nauna nang natalo ang Warriors sa Dallas Mavericks noong Miyerkules para sa kanilang ikalawang kabiguan sa season kung kailan hindi nakalaro si Curry dahil sa sore left lower leg.
Ngunit nagawa ng Warriors na lusutan ang Rockets dahil sa pagbibida ni Thompson na nagsalpak ng anim na tres.
Ang jumper ni James Harden ang naglapit sa Houston sa tatlong puntos sa huling limang minuto bago muling nakalayo ang Golden State na tinampukan ng alley-oop dunk ni Andre Iguodala kay Andrew Bogut, para sa kanilang 111-102 abante.
Tumapos si Harden na may 30 points sa panig ng Rockets.
Sa iba pang laro, tinalo ng Milwaukee Bucks ang Indiana Pacers, 120-116; binigo ng Detroit Pistons ang Minnesota Timberwolves, 115-90 at pinatumba ng La Clippers ang New Orleans Pelicans, 95-89.
- Latest


















