Donaire-Juarez bout nominado sa Fight of the Year
MANILA, Philippines – Matapos ang kanilang dramatikong suntukan noong Disyembre 12 ay marami ang nagsabing maaaring ikunsidera ang naturang laban nina Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr., at Mexican Cesar Juarez bilang 2015 Fight of the Year.
Hindi naman ito nakaligtaan ng prestihiyosong Boxing Writers Association of America (BWAA).
“We’re adding Donaire-Juarez to our Fight of the Year nominations #boxing @filipinoflash @trutv @trboxing,” pahayag kahapon ng BWAA sa kanilang Twitter account.
Napuno ng drama ang naturang championship fight nina Donaire (35-3-0, 23 KOs) at Juarez (17-4-0, 13 KOs) nang pilitin ng tubong Talibon, Bohol na tapusin ang laban bagama’t nagkaroon ng left foot sprain sa sixth round.
Naging bentahe ng 33-anyos na si Donaire ang kanyang naiskor na dalawang knockouts sa 24-anyos na si Juarez sa fourth round.
Sa huli ay nakamit ni Donaire ang unanimous decision victory kontra kay Juarez para angkinin ang nabakanteng WBO belt sa Coliseo Roberto Clemente sa San Juan, Puerto Rico.
Ang nasabing titulo ay tinanggal ng WBO kay Cuban star Guillermo Rigondeaux (16-0-0, 10 KOs) ang hawak nitong super bantamweight belt nang hindi lumaban sa loob ng 11 buwan.
Nauna nang kinilala si Donaire bilang 2012 Fighter of the Year matapos magkakasunod na talunin sina Wilfredo Vasquez, Jr., Jeffrey Mathebula, Toshiaki Nishioka at Jorge Arce.
Ayon kay Donaire, handa siyang idepensa ang kanyang WBO super bantamweight crown laban kina Juarez at maging sa two-time Olympic Games gold medalist na si Rigondeaux.
Posible rin siyang hamunin ni mandatory challenger Mexican-American fighter Jessie Magdaleno.
“We’re gonna build from there. Hopefully, we’ll have some real big fights for him next year,” sabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions.
- Latest