PWU kampeon sa WBL
MANILA, Philippines – Dalawang kabiguan ang ipinalasap ng Chiang Kai Shek College at St. Paul-Pasig sa De La Salle-Zobel School, habang nagreyna naman ang Philippine Women’s University sa premier 25-years and Under class ng katatapos na 28th Women’s Basketball League na itinataguyod ng Milo sa Xavier School gym.
Sumandal ang PWU kay MVP Charlene Camba sa 48-40 paggupo sa Polytechnic University of the Philippines, para angkinin ang 25-U crown.
Tinalo naman ng Enderun Colleges ang University of Santo Tomas, 34-33, para sa third place.
Inungusan ng St. Paul-Pasig ang DLS-Z, 33-31, patungo sa pagsakmal sa 13-Under Division championship ng torneong inorganisa ng multi-awarded Best Center (Basketball Efficiency and Scientific Training Center) ni dating national coach Nic Jorge.
Pinabagsak naman ng Chiang Kai Shek College ang DLS-Z, 39-49, sa 17-U Competitive Division final.
Inilampaso ng New Era High School ang St. Stephen’s High School, 37-16 para kunin ang 17-U Developmental Division crown.
- Latest