Bullpups winalis ang 1st round
MANILA, Philippines – Nakumpleto ng National University ang matamis na first-round sweep matapos gimbalin ang nagdedepensang Ateneo de Manila University, 73-60 sa UAAP Season 78 juniors basketball tournament kahapon sa Blue Eagle gym.
Mainit ang palad ni Justine Baltazar nang tumipa ito ng 18 puntos, 16 rebounds at limang blocks habang bumanat din ng 18 puntos si John Lloyd Clemente upang dalhin ang Bullpups sa imakuladang 7-0 rekord.
Bumagsak ang Ateneo sa 5-2 baraha kasama ang De La Salle-Zobel na lumasap naman ng 66-79 kabiguan sa kamay ng Adamson University.
Nanguna para sa Baby Falcons si EJ Agbong na nagtala ng 20 puntos at 15 rebounds.
Umangat sa 4-3 rekord ang Adamson kasama ang Far Eastern University-Diliman.
Nakuha ng FEU-Diliman ang ikaapat na panalo matapos paamuhin ang University of Santo Tomas, 61-40.
Natikman ng University of the Philippines Integrated School ang unang panalo sa bisa ng 104-69 agresibong pagwasak sa University of the East.
Ang Tiger Cubs ay may 2-5 slate habang ang Junior Maroons ay naglista ng 1-6 baraha.
- Latest

















