Dinaig ang Blaze Spikers para kunin ang PSL title kampeon ang Tornadoes!
MANILA, Philippines – Matinding puwersa ang pinakawalan ng Foton para hubaran ng korona ang Petron, 25-18, 25-18, 25-17, kahapon sa Game 3 ng 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament finals series sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Mainit ang palad ni American import Lindsay Stalzer nang tumipa ng 25 puntos tampok ang 18 mula sa attack line para dalhin ang Tornadoes sa unang titulo.
Matamis ito para kay Foton head coach Vilet Ponce-De Leon na kinailangang talunin ang top seed Philips Gold sa semifinals, 25-18, 26-24, 18-25, 20-25, 15-8, bago maisaayos ang pakikipagtuos sa Petron sa championship round.
‘We’ve been praying for this and we’ve been working hard for this. It came sa right timing talaga nailabas namin lahat,” ani Ponce-de Leon na dating miyembro ng Petron coaching staff bago lumipat sa Foton.
Sapat na suporta rin ang ibinigay ng isa pang reinforcement na si Katie Messing na bumira ng 14 puntos mula sa 12 atake at dalawang aces, habang nagdagdag ng 11 puntos si 6-foot-5 Jaja Santiago.
Naramdaman ng husto ang lakas ng Tornadoes matapos magpakawala ng 46 attacks kumpara sa 32 ng Blaze Spikers.
Nanguna para sa Blaze Spikers si Dindin Manabat na nagsumite ng 14 puntos subalit hindi ito sapat para dalhin ang koponan sa ikatlong sunod na kampeonato.
Nalimitahan sa pitong puntos si Brazilian open hitter Rupia Inck, habang may dalawang puntos si All-Filipino Conference MVP Rachel Anne Daquis.
Itinanghal na Grand Prix MVP si Stalzer at Second Best Middle Blocker si Santiago at First Best Setter si Ivy Perez.
Kinilala si George Pascua ng Petron bilang Coach of the Year.
- Latest