Durant nagbida sa panalo ng Thunder
OKLAHOMA CITY -- Pagod na ang Oklahoma City Thunder na matalo sa Brooklyn Nets sa kanilang home floor.
Kaya naman nang maging dikitan ang laro ay tiniyak ni Kevin Durant na hindi ito magtatagal.
Humugot si Durant ng 17 sa kanyang 30 points sa huling 20 minuto para tulungan ang Thunder na gibain ang Nets, 110-99, at kunin ang kanilang ikatlong sunod na panalo.
Huling nagtabla ang dalawang koponan sa 85-85 sa 8:09 minuto ng fourth quarter.
Nagsalpak si Durant ng dalawang 3-pointers para ibigay sa Thunder ang isang nine-point advantage.
Mula rito ay hindi na muling nakadikit ang Nets.
Nagdagdag naman si guard Russell Westbrook ng 27 points at 13 assists para sa Olahoma City.
Nag-ambag si Dion Waiters ng 16, habang nagposte si Serge Ibaka ng 12 points at 8 rebounds.
Sa San Antonio, sinandigan ng Spurs si Kawhi Leonard sa isang kritikal na posesyon sa mahalagang bahagi ng laro imbes na sa kanilang ‘Big Three’ nina Tim Duncan, Tony Parker at Manu Ginobili.
Nagsalpak si Leonard ng isang three-pointer sa natitirang 15.1 segundo ng labanan at talunin ang Dallas Mavericks, 88-83.
Sa iba pang laro, tinalo ng Detroit Pistons ang Miami Heat, 104-81; binigo ng Orlando Magic ang New York Knicks, 100-91; pinatumba ng Boston Celtics ang Philadelphia 76ers, 84-80, dinaig ng Toronto Raptors ang Cleveland Cavaliers, 103-99; sinapawan ng Charlotte Hornets ang Washington Wizards, 101-87; pinabagsak ng Memphis Grizzlies ang Houston Rockets, 102-93; ginitla ng Sacramento Kings ang Milwaukee Bucks, 129-118; pinatid ng Minnesota Timberwolves ang Atlanta Hawks, 99-95; ginulat ng Utah Jazz ang Los Angeles Clippers, 102-91; at hiniya ng New Orleans Pelicans ang Phoenix Suns, 120-114.
- Latest