Dela Cruz mataas ang respeto kay Sheriff
MANILA, Philippines – Sa kabila ng masamang free-throw shooting, nanatiling mataas ang respeto ni University of Santo Tomas head coach Bong Dela Cruz sa kanyang bata na si Jan-jan Sheriff na makailang ulit na nagmintis sa krusyal na bahagi ng kanilang Final Four match laban sa National University noong Linggo.
Sa huling dalawang minuto ng laro, 10 charities ang ibinigay kay Sheriff subalit tatlo lamang ang naipasok nito.
“Meron kasi akong tiwala ke Jan-jan. Hindi lang talaga pumapasok,” pahayag ni Dela Cruz na siyang umatas kay Sheriff na bantayan ang NU top scorers na sina Gelo Alolino at Pao Javelona.
Salamat na lamang kina Louie Vigil, Karim Abdul at Marvin Lee na siyang nagmando sa Growling Tigers para kumpletuhin ang 64-55 panalo at hubaran ng korona ang Bulldogs.
“I gotta do a better job of shooting my freethrow shots. I think it’s more of a psychological thing--I have to be more confident when I’m on the line and keep practicing,” ani Sheriff.
Aminado si NU coach Eric Altamirano na hindi nito istilo ang “foul-away-from-the-ball” ngunit puwersado ang kanyang bataan na gawin ito upang manatiling buhay ang kanilang pag-asa.
“I don’t usually do that but we had to at the end because we were trailing and we’re trying to catch up. It worked for a while but in the end, it was too big a lead (to overcome),” pahayag ni Altamirano.
Tiwala naman si Dela Cruz na mas magiging handa si Sheriff sa Game 1 ng kanilang best-of-three championship series laban sa Far Eastern University dahil posibleng gawin din itong taktika ng Tamaraws.
“Kaya na ni Jan-jan iyan. Next game, babawi iyan sa free throws,” ani Dela Cruz.
Lalaruin ang Game 1 sa Miyerkules dakong alas-3:30 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City habang ang Game 2 ay lalarga sa Sabado sa parehong oras sa Smart Araneta Coliseum.
Kung aabot sa Game 3, ito ay gaganapin sa Disyembre 2 sa MOA Arena sa alas-3:30.
- Latest