PLDT Home Ultera palalakasin ng 2 imports
MANILA, Philippines – Kumuha ng dalawang imports ang PLDT Home Ultera Fast Lady Hitters para tulungan ang kampanya sa Shakeys V-League Season 12 Reinforced Conference.
Sina Sareea Freeman at Victoria Hurtt ay dumating noong Miyerkules ng gabi at agad na sumabak sa ensayo para makuha ang istilo ng laro ng koponan.
Ang bagong lakas ng PLDT ay makikita sa pagharap nila laban sa talsik ng Kia Forte sa Linggo sa The Arena sa San Juan City.
Lalabas ang koponang hawak ni coach Roger Gorayeb ang magiging kauna-unahang koponan na nasa semifinals na kumuha ng mga reinforcements para gumanda ang paghahabol ng pangalawang kampeonato sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Si Freeman ay isang 6’4 middle blocker at naglaro sa Florida State mula 2009 hanggang 2012 habang ang 6’3 na si Hurtt ay isang outside spiker mula Iowa State.
Naglaro si Hurtt mula 2011 hanggang 2014 at kinilala bilang All-Big 12 First team noong 2012 at 2014.
Si Alyssa Valdez na siyang MVP sa Open Conference na pinagharian ng PLDT ay inaasahang makakasama rin ng koponan sa semifinals para lalong tumibay ang malakas na puwersa ng koponan.
- Latest