Pera o bayong?
Bilib talaga ako sa diskarte ni Bob Arum, ang promoter ni Manny Pacquiao.
Genius.
Matagal na rin niyang kausap si Amir Khan na pwedeng sunod na makalaban ni Pacquiao. Ayon sa plano, sa April 9 ito sa MGM Grand sa Las Vegas.
Kahit alam ni Uncle Bob na si Amir ang pinakamagandang laban kay Pacquiao, exciting at tatauhin, ay hindi niya ito pinapahalata.
Pakipot si Uncle Bob.
Hinintay niya munang lumaban ang mga sarili niyang mga bata sa Top Rank Promotions na sila Terence Crawford at Timothy Bradley.
Pwede rin kasi labanan ni Pacquiao si Crawford o Bradley.
Kaya ayaw agad ikasa ni Uncle Bob ang laban kay Amir na hindi taga Top Rank.
At nangyari na ang gustong mangyari ni Uncle Bob. Naging impresibo ang mga huling panalo ni Crawford at Bradley.
Pinatumba ni Crawford, na undefeated sa 28 laban, si Dierry Jean ng Canada. Knockout naman si Brandon Rios kay Bradley.
Natural, ang sunod na diga ni Uncle Bob ay pwedeng-pwede si Crawford o Bradley bilang sunod na kalaban ni Pacquiao.
Kulang na lang na sabihin niya kay Amir na “Kapag hindi ka pumayag sa offer ko sa iyo ay ikaw ang mawawalan.”
Kaya kung ako si Amir, huwag na siya humingi ng pagkalaki-laking premyo kay Uncle Bob dahil tiyak na tatawad ito.
Kung ako si Amir, papayag na ako sa fair price.
Pera na baka maging bayong pa.
- Latest