Semis cast selyado na sa Tornadoes
MANILA, Philippines – Napahirapan man ay nakaya pa rin ng Foton Tornadoes ang pabagsakin ang Meralco Power Spikers sa kinuhang 25-18, 18-25, 14-25, 25-16, 15-8 panalo sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix volleyball tournament kagabi sa The Arena sa San Juan City.
May 24 puntos si Lindsay Stalzer at nakipagtulungan siya kay Jaja Santiago sa mahalagang fifth set upang maisulong sa apat ang kanilang winning streak at 5-3 karta na nagbigay ng huling upuan sa semifinals sa ligang inorganisa ng SportsCore na handog ng Asics at Milo at suportado pa ng Mikasa, Senoh at Mueller na napapanood din sa TV5.
“We became complacent after the first set and almost paid for it. We should never underestimate our opponent,” wika ni Foton coach Vilet Ponce de Leon.
May 20 kills at 3 blocks si Stalzer habang si Santiago ay tumapos taglay ang 14 puntos na kinatampukan ng tatlong aces.
Apat na puntos ang kanyang pinakawalan sa 9-3 run para maipagpag ang Meralco matapos huling dumikit sa 6-5 iskor.
Si Kathleen Messing ay may 13 puntos, kasama ang 11 kills, habang si Kayla Williams ay may tatlong blocks tungo sa walong puntos at si Ivy Perez ay may 12 excellent sets bukod sa tatlong aces.
Si Christina Alessi ay naglista ng 16 kills tungo sa 18 puntos habang tig-13 sina Mika Reyes at Mary Joy Baron para sa Power Spikers na hindi pa rin nananalo matapos ang walong laro.
- Latest