Gin Kings nakamit ang unang panalo; Star Hotshots nakalusot
MANILA, Philippines – Matapos ang Alaska, ang NLEX naman ang nakalasap ng kanilang unang pagkatalo.
Ipinalasap ito ng Star Hotshots nang lusutan ang Road Warriors, 97-95, sa 2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Pinigilan ng Star ang hangad na ikatlong sunod na panalo ng NLEX.
Itinala ng Hotshots ang 19-point lead, 58-39, sa 7:47 minuto ng third period hanggang makalapit ang Road Warriors sa 92-94 mula sa dalawang free throws ni Asi Taulava sa huling 1:15 minuto ng fourth quarter.
Matapos ang basket ni Ian Sangalang na nagbigay sa Star ng 96-92 abante ay tumipa si Sean Anthony ng tatlong free throws para muling idikit ang NLEX sa 95-96 sa nalalabing 11 segundo.
Sa unang laro, tinakasan ng Globalport ang Barako Bull sa overtime, 105-91, tampok ang 21 points ni Terrence Romeo.
Samantala, inangkin ng Barangay Ginebra ang una nilang panalo nang ungusan ang Alaska, 93-92, noong Sabado sa Dubai, United Arab Emirates.
Humakot si Greg Slaughter ng 27 points para sa panalo ng Ginebra.
- Latest