11 foreign teams nagkumpirma sa Spike For Peace
MANILA, Philippines – Magiging sentro ng atraksyon ang Pilipinas sa beach volleyball sa huling linggo ng buwang ito sa pagdaraos ng Spike For Peace tournament sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nasa 11 dayuhang bansa ang nagpahayag ng pagsali sa torneong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) katuwang ang Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI) na gagawin mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 3.
Ang mga bansang makikipaglaro sa panlaban ng host country ay magmumula sa US, Australia, Poland, Sweden, Switzerland, Netherlands, Japan, Thailand, Spain, New Zealand at Indonesia.
Inimbitahan na rin ang China, Argentina at Brazil para matiyak na ang bawat continente sa mundo ay may magiging kinatawan sa nasabing kompetisyon.
Bukod sa pagtulong para mapalawig ang sakop ng manonood sa beach volley, naisip din ng PSC na magandang behikulo ito para mapalaganap ang kapayapaan gamit ang sports lalo pa’t maraming gulo ang nangyayari sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Hinihintay pa ng PSC ang LVPI para sabihin kung sino ang kakatawan sa Pilipinas pero kung si Garcia ang masusunod, nais niyang pagtambalin sina Jovelyn Gonzaga at Alyssa Valdez na parehong popular na manlalaro sa sport na ito.
- Latest