Airmen puntirya ang semis vs Wrecking Ball
Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)
1 p.m. Air Force vs Sta. Elena
3 p.m. Navy vs PLDT
5 p.m. Cignal vs IEM
MANILA, Philippines – Pasisiklabin agad ng Air Force Airmen ang pagbabalik ng aksyon sa Spikers’ Turf Reinforced Conference sa pag-asinta ng puwesto sa semifinals ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ito ang unang laro matapos magpahinga ng siyam na araw ang kompetisyong inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera at katunggali ng Airmen ang baguhang Sta. Elena Wrecking Ball sa ganap na ala-1 ng hapon.
Hindi pa natatalo ang Air Force matapos ang tatlong laro at pinadapa nila ang Insituto Estetico Manila Volley Masters, Cignal HD Spikers at Navy Sailors.
May 1-2 karta ang Wrecking Ball at kailangan nilang maitaas ang kalidad ng paglalaro para mapabagsak ang nasa itaas ng team standings na Air Force.
Babangon din sa 1-2 karta ang Open Conference champion PLDT Home Ultera Fast Hitters laban sa Navy Sailors sa ikalawang laro dakong alas-3 ng hapon habang ang Cignal HD Spikers at IEM ang magtutunggali sa alas-5 ng hapon.
May 2-1 baraha ang Cignal at kailangan nilang manalo para manatili ang kapit sa pangalawang puwesto sa anim na koponang liga.
Ang unang apat na koponan matapos ang single-round elimination ang aabante sa kompetisyon at lahat ng anim na kasali ay palaban pa sa nasabing puwesto.
- Latest