PLDT, Coast Guard palaban pa sa semis
Laro sa Nov. 7
(The Arena, San Juan City)
12:45 p.m. PLDT Home Ultera vs Navy
MANILA, Philippines - Tinapos ng PLDT Home Ultera Fast Lady Hitters ang dalawang sunod na panalo ng UP Lady Maroons, 25-12, 22-25, 25-15, 25-17 sa Shakey’s V-League Season 12 Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sina Gretchel Soltones at Janine Marciano ay naghatid ng tig-16 puntos para pamunuan ang PLDT na nakabangon mula sa pagkatalo sa Army Lady Troopers sa huling asignatura at mapabilang sa Lady Maroon at Navy Lady Sailors na may 2-1 karta.
Ginamit ng Fast Lady Hitters ang lakas sa pag-atake nang hawakan ang 48-32 bentahe at sina Soltones at Marciano ay may 13 at 11 kills.
“Sa laro namin laban sa Army ay nawala ang communication namin sa loob. Ito lang naman ang naging adjustment namin sa larong ito,” wika ni Soltones na may isang block pa.
May limang aces pa si Marciano habang sina Rubie de Loeon at Sue Roces ay naghatid pa ng tig-siyam na puntos para tumibay din ang paghahabol ng Open conference champion na umabante sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Sina Isabel Molde at Diana Tiamzon ay mayroong 11 at 10 puntos para sa UP na nakitaan ng husay sa blocking sa 9-3 lead.
Pero nakapag-adjust ang PLDT sa huling dalawang sets at ininda pa ng UP ang 34 errors para sa kanilang unang pagkatalo.
Nanatiling palaban pa ang Coast Guard Lady Dolphins nang daigin ang Kia Forte, 12-25, 25-22, 14-25, 25-23, 17-15 sa ikalawang laro.
Sina Rossan Fajardo at Mary Cristel Rosale ay mayroong 18 at 15 puntos para sa Lady Dolphins na tinapos ang tatlong sunod na kabiguan.
- Latest