Spurs sinagasaan ang Nets
SAN ANTONIO--Hinahanap pa ang kanilang paggamay sa isa’t isa matapos magkaroon ng pagbabago sa kanilang roster sa offseason, bumaling ang San Antonio Spurs sa alam nilang gawin.
Humugot ang Spurs ng malaking produksyon mula sa kanilang ‘Big Three’, matinding depensa mula sa bawat isa at sermon sa halftime ni coach Gregg Popovich para kunin ang una nilang panalo sa season.
Umiskor si Kawhi Leonard ng 16 points at may 15 si Tim Duncan para tulungan ang Spurs sa 102-75 paggupo sa Brooklyn Nets.
Nagdagdag naman si Tony Parker ng 10 points at 4 assists at may 12 markers at 4 assists si Manu Ginobili.
Binuksan ng Spurs ang laro sa 9-3 abante mula sa basket ni Leonard, habang nagsalpak ng isang 12-foot turnaround jumper si LaMarcus Aldridge at tres ni Danny Green.
Tumapos si Aldridge na may 10 points karamihan ay mula sa mga follow-up habang hinahanap niya ang kanyang puwesto sa opensa ng Spurs.
Sa iba pang resulta, tinalo ng Cleveland Cavaliers ang Miami Heat, 102-92; giniba ng Utah Jazz ang Philadelphia 76ers, 99-71; tinakasan ng Oklahoma City Thunder ang Orlando Magic, 139-136; binigo ng Toronto Raptors ang Boston Celtics, 113-103; pinahiya ng Detroit Pistons ang Chicago Bulls, 98-94; pinatumba ng Atlanta Hawks ang Charlotte Bobcats, 97-94; at nilusutan ng Washington Wizards ang Milwaukee Bucks, 118-113.
Dinaig naman ng Minnesota Timberwolves ang Denver Nuggets, 95-78; tinalo ng Golden State Warriors ang Houston Rockets, 112-92; pinabagsak ng Sacramento Kings ang LA Lakers, 132-114; at tinalo ng Phoenix Suns ang Portland Trail Blazers, 110-92.
- Latest