US Open 9-Ball Championship ubos ang Pinoy
MANILA, Philippines – Maghihintay uli ng isang taon ang mga pambato sa bilyar ng Pilipinas sa hangaring magkampeon sa prestihiyosong US 9-Ball Championship.
Nangyari ito matapos mamahinga na ang pitong Pinoy cue-artists na naglalaro sa one-loss bracket sa 40th edisyon na ginagawa sa Sheraton Waterside sa Norfolk, Virginia.
Nanguna sa minalas ay si Dennis Orcollo na noong nakaraang taon ay pumangalawa kay Shane Van Boening ng USA.
Sa pagkakataong ito ay nawala ang kanyang galing dahil namahinga siya sa ninth round laban kay Liu Hai-tao ng China, 6-11.
Nakaabot si Orcollo sa yugtong ito nang nanalo siya kina Skyler Woodeward ng USA, 11-4, sa kababayang si Warren Kiamco, 11-4, kay Mike Dechaine ng US, 11-6 at Oliver Ortmann ng Germany, 11-10.
Pauwi na rin sina Carlo Biado, Jeffrey Ignacio, Francisco Felicilda, Jundel Mazon at Roberto Gomez nang lasapin ang ikalawang pagkatalo sa kompetisyon.
Matapos manalo kay Darren Appleton ng England, 11-8, nawala ang tumbok ni Biado laban ka Corey Deuel para lasapin ang masakit na 10-11 kabiguan.
Si Ignacio na nagwagi kay Mika Immonen ng Finland, 11-8 ay namahinga sa kababayang si Mazon, 8-11 na minalas naman at yumuko kay Ruslan Chinakov ng Russia, 9-11 sa sumunod na laban.
Si Felicilda na nagwagi kay Thorsten Hohmann ng Germany,11-6, ay namahinga kay Rodney Morris ng USA, 10-11; habang si Roberto Gomez ay tinalo ni Denis Grabe ng Estonia, 8-11.
- Latest