Sa UAAP Women’s table tennis La Salle napanatili ang titulo
MANILA, Philippines – Kinumpleto ng De La Salle University ang pagtatala ng malinis na baraha sa women’s division matapos walisin ang Far Eastern University sa Finals ng 78th UAAP table tennis tournament kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Blinangko ng Lady Archers, may bitbit na ‘thrice-to-beat’ advantage, ang Lady Tamaraws, 3-0 sa series opener bago ilista ang 3-1 tagumpay sa Game 2 para sa kanilang ikalawang sunod na titulo.
Nakamit ang kanilang ikaapat na korona sa kabuuan, binigyan ng La Salle si national team standout Ian Lariba ng magandang send off para sa kanyang collegiate career.
Inangkin ni Lariba ang kanyang ikatlong MVP award.
“Sobrang overwhelming and happy kasi for five years minsan lang na mangyari na back-to-back women’s champions ang La Salle table tennis,” sabi ni Lariba.
Hinirang naman si Emy Rose Dael, tinalo si Rose Fadol sa ikatlong singles, 11-7, 6-9, 11-9, 7-9, 11-9 na nagbigay sa Lady Archers ng panalo, bilang Rookie of the Year.
Nakapasok ang FEU sa Finals matapos talunin ang University of Santo Tomas, 3-1 sa ikalawang step-ladder duel.
Samantala, gumawa naman ng kasaysayan ang De La Salle-Zobel, nang maging kauna-unahang girls champion sa juniors division.
Winalis ng Junior Lady Archers ang University of the East Amazons sa kanilang best-of-three series.
Si La Salle-Zobel ace Phoebe Jumamoy ang kumuha ng tournament MVP honors at si Sharlina Andino ng UE ang tinanghal na Rookie of the Year.
- Latest