Ranidel magpapahinga ng 2-buwan
MANILA, Philippines – Anim hanggang walong linggo ang ipapahinga ni Talk ‘N Text power forward Ranidel De Ocampo dahil sa kanyang herniated disc injury sa likod na nangyari habang nagbubuhat siya ng weights sa Moro Lorenzo Sports Center noong Linggo.
Sinabi ng mga duktor sa Makati Medical Center na hindi na kailangan ng 6-foot-5 na si De Ocampo na sumailalim sa isang surgery.
“Herniated disc L5S1 level. No nerve compression. MD advised bed rest for now. Approx out for 6wks. Now able to move legs but w/ difficulty,” sabi ni Tropang Texters’ assistant coach Josh Reyes sa kanyang Twitter account.
Tumanggap kahapon si De Ocampo ng isang epidural steroid injection para kontrolin ang pamamaga ng kanyang likod.
Nangyari ang aksidente habang binubuhat ni De Ocampo ang 100-kilo weight na karaniwan na niyang ginagawa.
Sinabi ng Talk ‘N Text trainers na nagkamali lamang si De Ocampo ng pagbuhat kaya masyadong napuwersa ang kanyang likod.
“Let’s continue to pray for @jutaca33 ‘s speedy recovery,” wika ni Reyes kay De Ocampo na miyembro ng Gilas Pilipinas teams na kumuha ng silver medal sa FIBA Asia Championships noong 2013 at 2015.
Humiling din ng dasal ang dati niyang ka-tropa sa Talk ‘N Text na si Jimmy Alapag ng Meralco.
- Latest