Rematch?
Kay Freddie Roach mismo nanggaling ang balita na may negosasyon ngang nagaganap sa pagitan ni Manny Pacquiao and Floyd Mayweather Jr.
Gaya ng napaulat kelan lang, posibleng maganap ang rematch next year.
Nabisita natin si Roach sa kanyang Wild Card Gym sa Los Angeles dalawang linggo pa lang ang nakakalipas at mahaba ang naging kwentuhan.
Natanong namin sa kanya kung posibleng maganap ang rematch.
Nagsalita kasi si Pacquiao na nakakausap niya si Mayweather. Pero binago niya ang kanyang tono. Hindi raw sila nag-uusap.
Dito pumasok si coach Freddie.
Marami nga raw siyang nadidinig na sikretong nag-uusap ang dalawang superstars.
Retired na si Mayweather. Pero kung malaking salapi ulit ang ilalatag sa harap niya ay malamang magbago ang isip niya.
Ayon pa kay coach, matutuloy ang rematch kung kakalas si Pacquiao sa kanyang promoter na si Bob Arum. Hanggang sa dulo ng 2016 ang kontrata niya kay Arum.
Ewan ko lang kung papayag si Uncle Bob na mawala sa eksena.
Ang sabi pa kasi ni coach, ang gusto mangyari ni Mayweather ay tanging siya lang at si Pacquiao at ang HBO ang mag-uusap.
Expired na ang kontrata ni Mayweather sa Showtime. At kung babalik siya para sa rematch kay Pacquiao ay malamang pumayag siya sa HBO.
Aabangan pa rin ng mga tao ang rematch dahil gusto nilang makita kung ano ang magiging resulta ng laban pag sumampa si Pacquiao sa ring na walang injury.
Baka hindi nila ma-match ang mahigit apat na milyon na benta sa pay-per-view. Pero kung mangalahati man lang sila ay biggest fight of the year pa rin ito.
Yan ang chika ni coach Freddie.
- Latest