Cignal iiwas mamantsahan sa pagbangga sa Foton
Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
4:15 p.m. Philips Gold
vs RC Cola-Air Force
6:15 p.m. Foton vs Cignal
MANILA, Philippines - Palalakasin pa ng Cignal HD Lady Spikers at Philips Gold Lady Slammers ang kampanya sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament sa pag-asinta ng panalo ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ikatlong sunod na panalo ang nakataya para sa Philips Gold sa pagharap sa RC Cola-Air Force Raiders sa ganap na alas-4:15 ng hapon habang ang Cignal ay masusubok sa Foton Tornadoes sa tampok na laro sa alas-6:15 ng gabi.
Sa anim na koponang naglalaban sa ligang inorganisa ng SportsCore at handog ng Asics at Milo na suporado pa ng Mikasa, Senoh at Mueller at napapanood sa TV5, ang Cignal lamang ang hindi pa natatalo matapos ang tatlong laro dahil na rin ito sa magandang ipinakikita ng mahusay na import na si Ariel Usher.
Si Usher ay naghahatid ng 28.3 puntos kada laro at siya ay nabibigyan din ng suporta ng isa pang reinforcement na si Amanda Anderson at ng rookie na si Fritz Gallenero.
Ang Foton ay hindi nila puwedeng biruin dahil determinado ang koponan na bumangon mula sa 25-21, 20-25, 13-25, 25-12, 9-15, pagkatalo sa Petron Lady Blaze Spikers para sa 1-1 baraha.
Sariwa sa 25-19, 21-25, 27-25, 25-23, tagumpay sa Meralco Power Spikers noong Martes, ang Lady Slammers ay inaasahang makikitaan uli ng matibay ng laro para tapatan ang tiyak na palabang Raiders na dumapa sa Lady Blaze Spikers kamakalawa, 22-25, 20-25, 25-21, 10-25.
- Latest