Puwestuhan na lang sa Cardinals, Heavy Bombers
Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena, Pasay City)
2 p.m. La Salle-Greenhills vs Arellano (step ladder semis jrs.)
4 p.m. Jose Rizal U vs Mapua (playoff srs.)
MANILA, Philippines – Higit sa puwesto, ang magkaroon ng momentum papasok sa mahirap na Final Four sa 91st NCAA men’s basketball ang hanap ng host Mapua Cardinals at Jose Rizal University Heavy Bombers sa kanilang pagtutuos ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa ganap na alas-4 ng hapon gagawin ang tagisan at ang mananalo ang siyang ookupa sa ikatlong puwesto sa semifinals na lalarga sa susunod na linggo.
Nangailangan ng playoff sa seniors dahil parehong may 12-6 marka ang Cardinals at Heavy Bombers sa pagtatapos ng double-round elimination.
Ang Arellano Chiefs ay tumapos din sa 12-6 karta pero sinibak sila ng Cardinals, 93-75, noong Martes.
Wala namang makukuhang malaking bentahe ang mananalo sa larong ito dahil ang lalabas na number three ay makakaharap ang pumapangalawang Letran Knights habang ang matatalo ang kasukatan ng 5-time defending champion at top seed San Beda Red Lions.
Sisimulan naman ang step-ladder semifinals sa juniors division sa pagtatapat ng La Salle-Greenhills at Arellano sa ganap na alas-2 ng hapon.
Ang mananalo rito ang katunggali ng number two seed Mapua na may twice-to-beat advantage sa labanan.
- Latest