Patrombon, Dalisay humataw agad
MANILA, Philippines – Ginapi nina Jeson Patrombon at Fil-Spaniard Diego Dalisay ang mga nakaharap para manatiling palaban sa titulo sa 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open-Cebuana Lhuillier ITF Men’s Futures 2 kahapon sa PCA clay court sa Paco, Manila.
May panapat si Patrombon sa larong ipinakita ni Japanese netter Shu Saito para angkinin ang 6-3, 6-3 tagumpay habang si Dalisay ay nanaig
sa kababayang si Rolando Ruel Jr., 6-1, 6-4 para umabante sa second round sa palarong may suporta ng Cebuana Lhuillier, Puma, Dunlop, The Philippine Star, Babolat, Compass/IMOSTI at Sarangani Rep. Manny Pacquiao.
Sunod na kalaban ni Patrombon ang Indian netter na si Kunal Anand na ginulat si seventh seed Hiromasa Oku ng Japan, 6-1, 6-4.
“Maganda ang kundisyon ko ngayon kaya confident ako sa loob ng court. Kabisado ko rin kasi ang laro niya (Saito) kaya alam ko kung saan dadalhin ‘yung bola,” pahayag ng 22-anyos na si Patrombon na tiwalang mahihigitan ang kanyang second-round finish sa Manila ITF Men’s Futures 1 noong nakaraang linggo.
Kalaban naman ni Dalisay ang isa pang Hapon na si fourth seed Arata Onozawa na sinibak si PCA Open runner-up Patrick John Tierro, 6-0, 6-2.
Apat pang Pinoy ang magtatangka na umabante pa sa pagpapatuloy ng first round ngayon.
Ang 8-time PCA Open champion na si Johnny Arcilla ay lalabanan si Chen Tin ng Chinese Taipei; si Francis Casey Alcantara ay mapapalaban kay Ren Nakamura ng Japan; si Elbert Anasta ay masusukat sa ITF F1 champion na si Makoto Ochi at si Bryan Otico ay makikilatis sa isa pang Hapon na si Soichiro Moritani.
Wagi rin sina top pick Enrique Lopez-Perez ng Spain at second seed Harry Bourchier ng Australia na nagtala ng magkaibang panalo sa event na suportado rin ng Whilpool/Fujidenzo, Broadway Motor Sales Corp. Coca-Cola Femsa Philippines, Tyrecorp Incorporated, Pearl Garden Hotel, Metro Global Holdings Corporation, Avida, PVL Restaurant, Mary Grace Foods, Inc., Seno Hardware at Wire Rope Corporation.
- Latest