Pinoy boxers handa na sa laban
CARSON, California - Nasa tamang kondisyon na si WBO light-flyweight champion Donnie Nietes at ang iba pang Filipino boxers para sa kanilang mga laban sa Oktubre 17.
Ilang rounds na sparring lamang ang ginawa ni Nietes laban kay Filipino-American Brian Viloria na may malaking laban din sa Linggo sa New York City.
“Okay naman ang sparring,” wika ni Nietes, tatlong beses nang nakasama si Viloria sa training camp.
Sinabi pa ni Nietes na tatlong beses na silang nag-spar ni Viloria sapul nang dumating siya rito noong Oktubre 1.
“Malaking tulong sa akin yung sparring sessions,” sabi ng 33-anyos na si Nietes, isusugal ang suot na WBO light-flyweight crown at ang kanyang reputasyon bilang longest-reigning Filipino champion laban kay Juan Alejo ng Mexico sa Linggo.
Ang nasabing title fight nina Nietes at Alejo ang main event sa Pinoy Pride 33 “Philippines vs the World” sa StubHub Center, ang tahanan ng Los Angeles Galaxy na dating nagparada kay star David Beckham.
Kasama rin sa boxing card ang magkapatid na sina Albert at Jason Pagara at si Mark Magsayo.
Ayon kay coach Edito Villamor, nasa pamatay na kondisyon na ang lahat ng kanilang mga boksingero.
“No issue sa weight. Tama lang,” wika ni Villamor kasama ang kanyang kapatid na si Edmund.
Simula noong nakaraang linggo ay binawasan na ng mga fighters ang kanilang pagtakbo sa Griffith Park at sa Pan Pacific Park tuwing umaga at tuwing hapon ay nagsasanay naman sila sa Wild Card Gym kasama si trainer Freddie Roach.
Nakatakdang itaya ni Albert Pagara ang kanyang IBF Intercontinental super-bantamweight title kontra kay William Gonzalez ng Nicaragua, habang makakaharap ng kanyang utol na si Jason si Nicaraguan Santos Benevides.
Lalabanan naman ni Magsayo si Yardley Suarez ng Mexico para sa IBF Youth featherweight crown.
Sa New York ay hahamunin ni Viloria si Roman Gonzalez ng Nicaragua para sa bitbit nitong WBC flyweight crown. (AC)
- Latest