Sasabak sa Mahindra vs Alaska: Dubai fans nasasabik na sa pagdating ni Pacquiao
MANILA, Philippines – Hindi sa boxing kundi sa basketball magpapakita ng galing si Manny Pacquiao sa Dubai.
Ang Pambansang Kamao ay inaasahang makakasama ng Mahindra Enforcers na maglalaro sa Al Wasl Club sa Dubai sa isang official overseas game na inorganisa ng PBA at United Arab Emirates (UAE).
Sa Nobyembre 6 at 7 itinakda ang overseas game sa Philippine Cup at ang Enforcers ay kalaban ang Alaska Aces sa Nobyembre 6.
Kinabukasan ay maglalaban ang Aces at Barangay Ginebra San Miguel.
Inaasahan na parehong dudumugin ang dalawang laro pero nakikita ng mga organizers sa Dubai na sabik ang mga Filipino overseas workers at mga mamamayan ng UAE na makita sa aksyon si Pacman sa pagba-basketball.
“We are delighted to collaborate with du and Clique Events in organizing this event, which will provide a great opportunity for boxing and basketball lovers alike, and for all Filipinos expats in Dubai in general, allowing them to enjoy the matches and watch Pacquiao is a different sport field,” wika ni Nasser Aman Al Rahma, Sports Events Director sa Dubai Sports Council.
Ang natatanging 8-division world champion at Kongresista ng Sarangani Province ay naunang sinabi na lalaban sa Dubai dahil isa ito sa pinangalanan ni Bob Arum ng Top Rank sakaling magkaharap sila ni Amir Khan.
Pero ang laban ay gagawin na lamang sa US kaya’t sa basketball na lamang masisilayan muna si Pacquiao sa nasabing bansa.
Si Pacquiao ay tumulak papuntang New York para tanggapin ang pagiging Asia Game Changer sa 2015 na iginawad ng Asia Society.
Kinilala ng samahang pinangungunahan ni Josette Sheeran na nagamit ni Pacman ang galing sa pagbo-boxing para ma-inspire ang iba lalo pa’t siya ay galing sa wala at ngayon ay isa sa tinitingala sa Pilipinas.
- Latest