AU, Mapua agawan sa huling semis slot; Beda, Letran laglagan sa No. 1
Laro Ngayon (Mall of Asia Arena, Pasay City)
12 nn St. Benilde vs Lyceum (Jrs)
2 p.m. Arellano vs Mapua (Srs. knockout game)
4 p.m. San Beda vs Letran (Srs. playoff number one seeding)
MANILA, Philippines – Isa lamang sa Arellano Chiefs at Mapua Cardinals ang magpapatuloy ng kampanya sa 91st NCAA men’s basketball.
Magkikita ang Chiefs at Cardinals sa ganap na alas-2 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City at ang magwawagi ang siyang kukuha sa ikaapat at huling upuan sa Final Four.
Tumapos ang Chiefs at Cardinals sa 12-6 marka upang makasalo rin ang Jose Rizal University Heavy Bombers sa ikatlo hanggang ikalimang puwesto.
Pero nabiyayaan ang Heavy Bombers na magkaroon ng pinakamataas na quotient kaya’t nakuha na nila ang ikatlong puwesto sa semifinals at maiwan ang Chiefs at Cardinals sa ikaw-o-ako na tunggalian.
Dakong alas-4 ay maglalaban ang 5-time defending champion San Beda Red Lions at Letran Knights para sa number one seeding.
Nagkatabla ang magkabilang koponan sa unang puwesto sa 13-5 marka at bagama’t may twice-to-beat advantage na sa susunod na yugto ay kailangan pa ring paglabanan ang top seeding na siyang makakalaban ng number four sa Final Four.
Naghatid ang Chiefs at Cardinals sa dalawang laro sa elimination round upang ipakita na magkasukat ang kanilang lakas.
Ang national player na siJiovani Jalalon ang siyang sasandalan ng Chiefs na pumangalawa sa Red Lions noong nakaraang taon.
“Our goal is to make the finals for the second straight time and we need to win this game in order to achieve that goal,” wika ni Arellano mentor Jerry Codiñera.
Ngunit hindi magiging madali ang pakay na ito dahil ang Cardinals ay nakikitaan ng pinakamagandang paglalaro sa ilalim ni coach Fortunato Co.
“This is my best year and we hope to make the most out of it,” pahayag ni Co na nasa ikatlong taon sa Cardinals at tinabunan ang 6-30 marka sa huling dalawang taon.
- Latest