Gilas lalabanan ang China sa finals
CHANGSHA-- Ikinamada ng Gilas Pilipinas at host China ang kanilang paghaharap sa Finals sa 2015 FIBA Asia Championship matapos magwagi sa kani-kanilang kalaban kagabi dito sa Changsha Social World Gymnasium.
Naunang nakasikwat ng upuan sa Finals ang China nang igupo ang Iran, 71-57 sa unang semis match.
Sa kabilang banda, ipinakita naman ng Gilas ang kanilang matinding determinasyon na makarating sa Rio Games matapos dispatsahin ang Japan, 81-70.
Ang panalong ito ng Nationals ang nagdala sa kanila para sagupain ang Chinese stars ngayong alas-9:30 ng gabi at ang mananalo sa kanila ang awtomatikong makakakuha ng tiket para sa Rio Games sa 2016.
Live na mapapanood ang Colt 45 Gilas update sa TV5 at Aksyon TV ngayong gabi.
Bagama’t nabigo, may tsansa pa rin ang Japan, na makakuha ng puwesto sa Rio Olympics Games, gaya ng Iran na nabigyan ng puwesto para sa World Qualifying sa susunod na taon.
Mas mabigat ang labanan dito dahil ang iba pang bansa na hindi pumasok sa mga regional qualifiers na ginanap ang siyang mag-aagawan sa puwesto.
Aabot sa 18 koponan ang maglalaban-laban sa World Qualifying at kasama rito ang mga matitikas na bansa ng France, Serbia,Greece, Italy at Czech Republic mula FIBA Europe; New Zealand ng Oceania, Canada, Mexico at Puerto Rison Ng America at Angola, Tunisia at Senegal ng Africa.
Bilang nagdedepensang kampeon, ang US ay pasok na sa Rio habang ang Brazil ay may koponan na bilang host team.
Kung ang rankings ang pag-uusapan, paborito ang France na umabante dahil number five sila sa talaan. Ang Serbia ay number 7 kasunod ng Greece (10), Puerto Rico (15), Angola (16), Iran (17), Mexico (19), New Zealand (21), Tunisia (23), Canada (25) at Senegal (30).
Ang Pilipinas ay nasa 31st place habang ang Italy at Czech Republic ay nasa 36th at 49th spot.
Hahatiin ang 18 bansa sa tatlong grupo at ang magkakampeon rito ay aabante sa Rio Olympics.
- Latest