34th PCA Open-Cebuana Lhuillier Wildcard event: Finals ikinasa ni Clarice vs Balce
MANILA, Philippines – Pinangatawanan ng top seed na si Clarice Patrimonio at fourth seed Maia Balce ang mas mataas na estado para itakda ang pagkikita sa finals sa women’s singles sa 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open-Cebuana Lhuillier Wildcard Event sa PCA clay courts sa Paco, Manila.
Ang semifinals ay pinaglabanan kahapon at nanalo si Patrimonio kay third seed Edilyn Balanga, 6-2, 7-6 (5) habang si Balce ay nangibabaw sa dating runner-up na si Christine Patrimonio, 7-6 (4), 6-3.
Ang finals sa kompetisyong suportado ng Cebuana Lhuillier, Puma, Dunlop, The Philippine Star, Head, Babolat, Compass/IMOSTI at Sarangani Province Rep. Manny Pacquiao ay gagawin ngayong alas-11 ng umaga bago sundan ng pagtutuos sa men’s singles championship sa pagitan ng nagdedepensang kampeon na si Patrick John Tierro at 16-anyos na si Alberto Lim Jr.
“Hindi ko expected dahil si Christine, dating number one siya at kasama sa National University ang paborito. Hindi ko lang ipinakita ang mga frustrations ko lalo na sa second set,” wika ng 17-anyos, fourth year high school student ng St. Paul Pasig at nasa kanyang unang pagsali sa torneo.
Tiyak na gustong maghiganti ni Clarice para mas umigting ang paghahabol niya ng kauna-unahang titulo at maibulsa ang P20,000.00 top prize.
Samantala, paborito si Tierro pero hindi siya puwedeng magkumpiyansa lalo pa’t mataas ang kumpiyansa ni Lim matapos sibakin ang mga Davis Cuppers na sina Francis Casey Alcantara at 8-time champion Johnny Arcilla.
“Ilalaro ko lang ang laro ko. Bilog ang bola at kahit magaling siya sa akin o magaling ako sa kanya, basta ilaro ko lang ang laro ko, may chance akong manalo,” wika ni Lim, kampeon sa dalawang leg sa China at galing sa tatlong US tournaments, kasama ang UP Open Juniors.
Tinalo na ni Tierro si Lim sa finals ng Philippine National Games noong nakaraang taon pero alam niyang dapat siyang magtiyaga lalo pa’t ibang Lim ang kanyang makakaharap.
“Malaki ang improvement niya at iba talaga kapag naglalaro ka sa labas ng bansa. We’ll see,” pahayag ni Tierro.
Parehong nakapasok na rin sina Tierro at Lim sa Manila-ITF Men’s Futures Leg 2 sa Oktubre kaya ang dagdag insentibo sa mananalo ay ang P50,000.00 premyo.
- Latest