Ateneo vs NU sa Shakey’s V-League Finals
Laro sa Sabado (The Arena, San Juan City)
12:45 p.m. UST vs FEU (Battle for Third)
MANILA, Philippines – Hindi nasayang ang pagsusumigasig ng Ateneo Lady Eagles sa mga naunang yugto ng kompetisyon nang pabagsakin ang UST Tigresses, 25-18, 25-18, 25-19 sa Game Three ng Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference semifinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Walang nangyaring klasikong bakbakan sa dalawang koponan dahil lutang na lutang ang laro ng Lady Eagles na naunang nakapagtala ng 10-0 karta bago nadungisan ng isang pagkatalo na ipinalasap ng Tigresses sa Game Two.
Ngunit lumabas ang championship experience ng Ateneo at nanlupaypay sa pressure ang UST para kunin ng una ang karapatan na labanan ang National University Lady Bulldogs sa titulo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Si Alyssa Valdez ay mayroong 16 kills, dalawang aces at isang blocks tungo sa 19 puntos ngunit gumana rin ang mga laro nina Bea De Leon at Amy Ahomiro na nagtala ng tig-9 puntos at nagsanib sa walo sa siyam na blocks sa labanan.
Ang setter na si Gizelle Tan ang namahala sa takbo ng opensa sa Ateneo sa ibinigay na 17 excellent sets.
“Very supportive sa amin si coach Tai (Bundit). We were down but coach lifted our spirits by staying positive and being confident with us,” pahayag ni Tan.
Kabaligtaran naman ang nangyari sa UST na siyang may momentum ngunit hindi nila ito naipakita para itakda na lamang ang pakikipagtuos sa napatalsik na kampeon FEU Lady Tamaraws para sa ikatlong puwesto.
Nanahimik ang mga beterana ng Tigresses na sina Ennajie Laure, Carmela Tunay at Pamela Lastimosa at si Laure ang lumabas na top scorer sa katiting na siyam na puntos.
Sinabayan pa ang malamyang pagpapakita ng pagkakaroon ng 27 errors para masayang ang magarang four-set panalo sa Game two. Ang Game one sa Finals ay magsisimula sa Linggo.
- Latest