UP inilaglag, mas astig ang Uste
MANILA, Philippines - Nagbaga ang mga kamay ni Ed Daquioag sa huling yugto para pangunahan ang UST Tigers sa 67-59 panalo laban sa UP Maroons sa 78th UAAP men’s basketball kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kumawala ang shooter ng Tigers ng 17 puntos sa huling yugto at mag-isang hinarap ang palabang Maroons sa unang mga minuto ng period upang solohin ang liderato sa walong koponang liga sa 3-0 marka.
Nakadikit ang Maroons sa dalawang puntos, 42-40, sa pagtatapos ng ikatlong yugto pero isang 19-14 palitan ang pinasiklab ni Daquioag para ilayo ang Tigers sa 61-54 kalamangan.
Ito na ang ika-17 sunod na panalo ng UST sa UP na nakitang natapos ang magarang 2-0 panimula.
“Last year pa ay si Ed na ang nagdadala sa team nagkaroon lang ng injury,” wika ni UST coach Segundo dela Cruz kay Daquioag na mayroong 8-of-13 shooting sa second half.
Si Kevin Ferrer ay tumapos taglay ang 16 puntos at 10 rebounds habang si Karim Abdul ay may 8 puntos at 8 rebounds.
Kumuha ang Maroons ng 15 at 12 puntos kina Diego Dario at Andres Desiderio ngunit sa puntong kailangan nila ang puntos ay walang nakagawa para makalayo ang Tigers.
Ginamit ng FEU Tamaraws ang 17-0 run sa ikatlong yugto para trangkuhan ang 93-75 panalo sa La Salle Archers sa ikalawang laro.
Angat lamang ng tatlo ang Tamaraws, 57-54 nang sina Roger Pogoy, Alejandrino Inigo at Monbert Arong ay kumawala ng tatlong triples para sa 74-54 bentahe.
Isang triple pa ang ginawa ni Inigo sa pagbubukas ng huling yugto para sa 77-54 kalamangan bago nabasag ang matagal na pananahimik ng Archers sa tres ni Lorenzo Navarro.
Si Mike Tolomia ay mayroong 20 puntos para sa Tamaraws na umakyat sa 2-1 karta habang ang Archers ay bumaba sa 1-2 baraha.
- Latest