Clarkson nanghinayang sa ‘di pagkakasama sa Gilas
MANILA, Philippines – Bagama’t ilang linggo lamang nakasama si Fil-American Jordan Clarkson sa Gilas Pilipinas ay nabuo na ang matibay nilang pagkakaibigan.
Kaya naman nang hindi makakuha ang Samahang Basketbol ng Pilipinas ng FIBA clearance para makapaglaro si Clarkson sa darating na 2015 FIBA Asia Championships ay nanghinayang ang Los Angeles Lakers’ guard.
“I’m very disappointed I won’t be able to play with Gilas during the Fiba Asia Championships,” wika kahapon ni Clarkson sa isang statement.
Sa kabila ng kabiguan niyang mapasama sa Final 12 ng Gilas Pilipinas para sa FIBA Asia meet na nakatakda sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 3 sa Changsa, China, sinabi ng Fil-Am na karapat-dapat ang lahat ng players na bubuo sa koponan.
“We can all agree, the 12 men selected to represent the Philippines have earned the right and any continued efforts on my part would not be fair to the team,” sabi ng 6-foot-3 Fil-Am. “I will cheer them onto gold.”
Ang torneo ay ang regional qualifier para sa 2016 Olympic Games sa Rio De Janeiro, Brazil.
Ang bumubuo sa Final 12 ay sina naturalized player Andray Blatche, Asi Taulava, Terrence Romeo, Jayson Castro, Sonny Thoss, Calvin Abueva, Gabe Norwood, Marc Pingris, Dondon Hontiveros, JC Intal, Matt Ganuelas-Rosser at Ranidel De Ocampo.
Sa pagsisimula ng training camp ng Gilas training pool noong Agosto 3 ay sumama na ang 2014 NBA Draft 42nd pick overall.
Tumayo siyang ‘observer’ sa pagsikwat ng Nationals sa silver medal ng nakaraang 37th Jones Cup sa Taipei.
Nauna nang napapayag ni Clarkson, napabilang sa NBA All-Rookie Team, ang kanyang amang si Mike at si Los Angeles Lakers general manager Mitch Kupchak na sumama sa Gilas Pilipinas.
“My Dad told me to follow my heart,” ani Clarkson. “I spoke to Lakers general manager Mitch Kupchak and he shared the same sentiments about representing an entire country and supported my decision either way.”
Sa huli ay pinasalamatan ng 23-anyos na si Clarkson ang lahat ng kanyang mga Filipino fans.
“The Filipino Fans are some of the most passionate in the world and many of them are Laker’s supporters. I want to sincerely thank all of the fans who sent me letters of encouragement during these last three months about Gilas,” ani Clarkson.
- Latest



















