Mexican tatalunin: Nietes pamilyar na sa istilo at galaw ni Alejo
MANILA, Philippines - Maski ang Youtube ay ginagamit na rin ngayon sa boxing.
Sinabi ni world flyweight champion Donnie “Ahas” Nietes na alam na niya ang istilo at mga kilos ng makakasagupang si Mexican challenger Juan “Pinky” Alejo.
Ito ay matapos niyang mapanood ang mga laban ni Alejo sa Youtube.
“Napanood ko na ang mga laban niya sa Youtube, kaya alam ko na ang galaw niya. Counter-puncher siya at alam ko na ang gagawin ko sa laban namin,” sabi ni Nietes.
Itataya ni Nietes ang kanyang suot na World Boxing Organization light flyweight crown sa ‘Pinoy Pride 33’ sa Oktubre 17 sa StubHub Center sa Carson City, California.
Kasalukuyang bitbit ng 33-anyos na si Nietes ang kanyang 36-1-4 win-loss-draw record na tinampukan ng 21 knockouts, habang sumasakay si Alejo sa 21-fight winning streak sa loob ng dalawang taon.
Huling naging biktima ng tubong Murcia, Negros Occidental si Mexican Francisco Rodriguez Jr. noong Hulyo sa Waterfront Hotel and Casino sa Cebu City para mapanatiling suot ang WBO at The Ring light flyweight titles.
Nasa undercard ng Nietes-Alejo championship fight ang laban nina “Prince” Albert Pagara, Mark “Magnifico” Magsayo at Jayson “El Nino” Pagara.
Magtutungo ang mag-utol na Pagara at si Magsayo sa United States sa Linggo para magsanay sa Wild Card Gym ni trainer Freddie Roach.
Inaayos naman ni Nietes ang kanyang working visa para makasunod sa Wild Card Gym kung saan niya makaka-spar si Brian Viloria.
- Latest