Sports Academy sa Davao itatayo na
MANILA, Philippines – Hindi magtatagal at kikilalanin ang Davao Region na pinamumugaran ng mga mahuhusay na atleta na puwedeng magbigay ng karangalan sa Pilipinas sa malalaking kompetisyon na sinasalihan ng bansa.
Pinirmahan na ni Pangulong Benigno Aquino III ang Republic Act No. 10674, isang batas na nagbibigay karapatan sa pagpapatayo ng Davao Del Norte Regional Sports Academy sa makabagong Davao Del Norte Sports and Tourism Complex.
Naipasa ito ng Senado at Kongreso noong Hunyo 10, ang dokumento na pirmado ng Pangulo ay naihatid na sa Philippine Sports Commission (PSC) mula sa Office of the President noong Lunes (Agosto 24).
Ang Provincial Government ng Davao Del Norte ang pangunahing mamamahala sa Academy at siyang magpopondo sa mga kakailanganing pasilidad o kagamitan.
Ngunit makakatulong nila ang PSC at ang Department of Education para sa pagporma ng training ng mga atleta at pag-aaral ng mga ito.
Si Davao Del Norte 1st District Congressman Anthony del Rosario ang nagsusog sa Kongreso ng nasabing batas noong pang Abril 21, 2014 dahil sa nakitang pangangailangan na mabigyan ng pagkakataon ang mga mahuhusay na atleta sa kanyang nasasakupan na mabigyan ng pagkakataon na makapagsanay nang maayos ng hindi pumupunta sa Maynila.
Nagagalak din si PSC chairman Ricardo Garcia sa pagkakapasa ng batas at nananalig na tutularan ito ng iba pang probinsya para dumami ang maipapatayong Sports Academy na makakatulong para tumaas pa ang lebel ng palakasan sa bansa. (AT)
- Latest