Pick-up system ‘di na puwede sa Philippine team--PBA
MANILA, Philippines – Hinimok ng PBA Board of Governors ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na gumawa ng bagong programa na magiging kapaki-pakinabang sa lahat ng basketball stakeholders.
Patuloy na inihayag ng board ang pagsuporta sa SBP ngunit nababahala sila na bumabalik ang dating sakit sa pagbuo ng National team na ipinanlalaban sa malalaking torneo sa labas ng bansa.
Nauulit ang pick-up system sa pagtukoy sa manlalaro na bubuo sa mga PBA teams at kapag hindi naipapahiram ng mother ballclub ang kanilang manlalaro ay lumalabas na sila ay masama at hindi nakikiisa sa hangaring makabuo ng malakas na Pambansang koponan.
“We’re getting back to the old system,” wika ng nagbabalik na PBA board chairman na si Robert Non. “It should not be pick-up from the PBA every time there’s an international competition. At kapag hindi napagbigyan, mangsisisi.”
Ang board ay inaaniban din ng tatlong koponan na pag-aari ng negosyante at sportsman na si Manny V. Pangilinan, ang pangulo rin ng SBP, ng Talk ‘N Text, Meralco at NLEX.
Tinukoy pa ni Non na kabilang sa SMC group, ang ginawang programa noon ni Ron Jacobs na Northern Consolidated Cement at ang orihinal na Gilas Pilipinas na hawak ni Rajko Toroman na dapat na ibalik.
Sa nasabing programa ay tumukoy ang mga coaches ng manlalaro na inilagay sa pool at sinanay ng ilang taon upang mahinog sa malalaking kompetisyon na hinarap.
Kailangang kumilos agad ang SBP sa pagrebisa sa programa sa national team dahil sa 2017 ay magsisimula na ang qualifying events para sa FIBA World Championship at 2020 Olympics.
“It starts November 2017. It looks like on a quarterly basis, meaning quarterfinal disruption (to the PBA),” wika naman ni dating commissioner at ngayon ay PBA president/chief executive officer Chito Salud.
- Latest