ASBC Women’s Championship Slugfest Magno pasok sa quarterfinals
MANILA, Philippines – Magandang panimula ang ibinigay ni Irish Magno nang magwagi siya sa kanyang laban sa idinaraos na ASBC Asian Confederation Women’s Continental Championships sa Wulanchabu, China.
Isang silver medalist sa flyweight sa ginanap na SEA Games sa Singapore, ginamit ng 24-anyos na Pinay boxer ang kanyang mas malawak na karanasan para talunin ang AIBA Women’s Youth World Champion na si Lin Yu Ting ng Chinese Taipei.
“Our new hope in the flyweight class was more confident in the bout than her opponent from Chinese Taipei. She had clearer shots in the second part of the contest and won it clearly despite the fact she had a cold,” ani ABAP executive director Ed Picson.
Ang panalo ay nagtulak na kay Magno sa quarterfinals.
Apat ang panlaban na ipinadala ng ABAP sa kompetisyong nilahukan ng 96 boxers mula sa 16 bansa.
Sina Josie Gabuco, Nesthy Petecio at Riza Pauit ang iba pang panlaban na maghahangad na manalo ng medalya para sa bansa katulad ng kanilang ginawa sa SEA Games.
Ang dating World champion na si Gabuco ay nag-uwi ng ginto sa light flyweight habang, pilak ang hatid ni Petecio sa bantamweight at bronze ay ambag ni Pasuit sa featherweight.
Sina Roel Velasco at Mitchel Martinez ang mga coaches at si Cildo Evasco ang referee.
- Latest

















