Manila North bigo sa NoviSad sa FIBA 3x3
MANILA, Philippines – Pinangatawanan ng top seed at World champion NoviSad AlWahda ng United Arab Emirates ang kanilang pagiging kampeon nang angkinin ang 2015 FIBA 3x3 World Tour Manila Masters title mula sa 21-14 panalo sa Manila North kahapon sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
Unang nakapuntos si Vic Manuel pero rumatsada ng pitong sunod na puntos ang dayuhang koponan para sa 7-3 kalamangan.
Lumawig sa 19-8 ang NoviSad matapos ang tatlong buslo ni Dejan Majstorovic upang magawa nila ang hindi nagawa ng Doha Qatar noong nakaraang taon, ang manalo sa liga na inorganisa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at suportado pa ng Smart, PLDT, Maynilad, MVP Sports Foundation at Wilson.
Para maabot ang finals, nanaig ang NoviSad sa Auckland New Zealand, 21-10, sa quarterfinals at sa Doha Qatar, 20-18, sa semifinals.
Bigo mang mapanatili ang korona sa Pilipinas, masaya pa rin ang grupo nina Manuel, Calvin Abueva, Troy Rosario at Karl Dehesa dahil makakasama nila ang NoviSad sa World Tour Finals sa Abu Dahbi sa Oktubre 15 at 16.
Nakuha ito ng koponan nang magwagi sa Kobe Japan, 21-19, bago isinunod ang nagdedepensang Manila West nina Terrence Romeo, Niño ‘KG’ Canaleta, Rey Guevarra at Aldrech Ramos, 21-18.
Hinirang si Romeo bilang MVP at nagkampeon sa 3-Point Shootout Competition.
- Latest