Generals sinikwat ang quarterfinals seat
MANILA, Philippines – Tinalo ng Emilio Aguinaldo College Generals ang Mapua Cardinals, 25-22, 26-24, 25-17, habang nakatikim na rin ng panalo ang FEU Tamaraws mula sa 19-25, 25-20, 25-19, 25-18 panalo laban sa UE Red Warriors sa Spikers’ Turf Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Umakyat ang Generals sa 3-0 karta at sinuwerte pang makapasok sa quarterfinals sa Group A dahil ang Cardinals at Red Warriors ay parehong lumasap ng ikatlong sunod na pagkatalo.
Ang 12 koponan ay hinati sa dalawang grupo at ang apat na mangungunang koponan ay aabante sa quarterfinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Si Howard Mojica ay mayroong 18 kills patungo sa 19 puntos at nakakuha siya ng suporta mula kina Keith Melliza at Isarael Encina.
Napakinabangan din si Melliza sa opensa at depensa dahil mayroon siyang 11 puntos at nagtala ng limang digs at nagkaroon ng 11 excellent receptions.
Dahil sa galing sa reception ni Melliza ay nabigyan niya ang Generals ng 26-16 bentahe.
Ang team captain na si Encina ay may 10 puntos.
Si Philip Michael Bagalay ay may 14 kills at 2 blocks para sa kanyang 16 puntos pero hindi sapat ito para mapigilan ang kabiguang muli para sa koponan.
May 13 at 11 puntos sina Jeric Gacutan at Greg Dolor para sa FEU upang maputol ang dalawang sunod nilang kabiguan.
Kontrolado ng Red Warriors ang labanan dahil lamang sila sa attacks, 51-44, blocks, 6-4, at aces, 4-3.
Ngunit hindi nila napigilan ang mga errors na umabot sa 43 upang manatiling nasa huling puwesto.
- Latest