Pinas ‘di basta-basta susuko sa hosting ng World Cup
MANILA, Philippines - Walong basketball stadiums ang ihahanda ng China sa hangaring makuha ang pamamahala sa FIBA World Cup sa 2019.
Gamit ang slogan na “More Than Ever,” layunin din ng China na makaakit ng mga potensyal na investment partners na lalo pang magpapalakas sa kanilang ekonomiya.
Aminado ang Samahang Basketbol ng Pilipinas na malaki ang bentahe ng China pagdating sa inprastraktura kagaya ng mga stadiums.
“We realize China’s big advantage is infrastructure,” wika ni SBP executive director Sonny Barrios. “We understand they plan to offer eight different stadiums for the preliminary stage even as FIBA requires only a minimum of four.”
Ang tanging magiging sagot ng bansa sa China ay ang pagmamahal ng mga Pinoy sa basketball.
Magpupulong ang FIBA Central Board sa Agosto 7 sa Tokyo, Japan kung saan madedermina kung sino sa Pilipinas at China ang magiging host ng 2019 World Cup.
Magpapakita ang dalawang bidding countries ng 20-minute audio-visual presentation sa harap ng FIBA Central Board sa Prince Park Tower Hotel at iimbitahan ang mga opisyales ng dalawang delegasyon para sa question-and-answer, closed door session.
Matapos ito ay ihahayag ng Board ang nanalo sa bidding. Inaasahang magsasalita para sa bansa sina TV5 sports head Chot Reyes at Gilas assistant coach Jimmy Alapag.
Pamumunuan naman ni SBP president Manny V. Pangilinan ang panel para sa question-and-answer session kasama sina Barrios at SBP deputy executive director Butch Antonio.
- Latest