Wildcats giniba ang Cardinals, sumalo sa liderato sa Spikers’ Turf
Laro sa Lunes
1 p.m. EAC vs Mapua
3 p.m. FEU vs UE
5 p.m. UP vs Ateneo
MANILA, Philippines - Humugot uli ang NCBA Wildcats ng lakas sa kanilang mga guest players para makasalo pa rin sa liderato sa Group A sa Spikers’ Turf Collegiate Conference noong Miyerkules ng gabi sa The Arena sa San Juan City.
Si Edwin Tolentino ay gumawa ng 19 puntos na kanyang sinangkapan ng 15 kills at dalawang aces habang ang isa pang import ng Wildcats na si Reyson Fuentes ay naghatid ng anim na blocks tungo sa 12 puntos para sa ikalawang sunod na panalo sa pamamagitan ng 24-26, 25-20, 26-24, 25-21, tagumpay sa Mapua Cardinals.
Sina Paul John Domingo ay humataw ng walong kills tungo sa 10 puntos habang may 10 pa si Daryle Valenzuela para saluhan ng Wildcats ang National University Bulldogs at Emilio Aguinaldo College Generals sa itaas sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Bumaba ang Mapua sa 0-2 at ininda nila ang pagkatalo sa third set para makasama ang FEU Ta-maraws at UE Warriors sa huling puwesto.
Si Philip Michael Bagalay ay naglista ng 21 puntos habang sina Anjo Pertierra at Neil Flores ay may 11 at 10 puntos para sa Cardinals na mayroon ding 32 errors sa laro.
Magbabalik ang laro sa Lunes at sisikapin ng Mapua na tapusin ang mga kabiguan kung masorpresa ang Generals sa unang laro sa ganap na ala-1 ng hapon.
Ang FEU at UE ay mag-uunahan sa paglista ng unang panalo dakong alas-3 habang ikatlong sunod na panalo ang maililista ng mananalo sa pagitan ng Ateneo Eagles at UP Maroons dakong alas-5.
- Latest