Leonard, Parker inilapit ang Spurs sa playoffs
MIAMI — Umiskor si Kawhi Leonard ng 22 points, habang nag-ambag si Tony Parker ng 16 markers sa kanyang ika-1,000 NBA game para ilapit ang San Antonio Spurs sa isang tiket sa playoff matapos talunin ang host team sa iskor na 95-81.
Kumolekta si Tim Duncan ng 12 points at 11 rebounds para sa San Antonio, may 12-3 record sa Marso na siyang second-best record sa ilalim ng Golden State.
Nagdagdag naman si Boris Diaw ng 11 points.
Tumipa si Goran Dragic ng 19 points at may 15 si Dwyane Wade sa panig ng Miami.
Nagposte sina Hassan Whiteside at Mario Chalmers ng tig-10 points, at humablot si Chris Andersen ng 10 rebounds.
Nanatili ang San Antonio sa No. 6 sa West at maaaring makuha ang playoff berth laban sa Orlando Magic sa Miyerkules.
Patuloy namang naupo ang Heat sa No. 7 spot sa Eastern Conference race sa ilalim ng No. 6 Milwaukee Bucks at sa itaas ng No. 8 Brooklyn Nets, umiskor ng 111-106 panalo laban sa Indiana Pacers.
Naiwanan ang Miami sa first half, 42-47, bago lumamang ang San Antonio ng 15 points sa third at 21 points sa fourth quarter.
Nakalapit ang Heat sa 75-85 mula sa putback ni Andersen sa huling 3:32 minuto, ngunit tumipa si Parker ng floater sa right baseline para muling ilayo ang Spurs.
Sa iba pang resulta, tinalo ng Detroit ang Atlanta, 105-95, habang giniba ng Golden State Warriors ang Los Angeles Clippers, 110-106.
- Latest