Rising Suns palaban sa titulo sa Spiker’s Turf
MANILA, Philippines – Ipamamalas ng Cagayan Valley Rising Suns ang pinatatag na puwersa sa pagsasanib ng mga manlalaro mula sa Ateneo at National University sa pagbubukas ng Spikers’ Turf sa Linggo (Abril 5) sa The Arena sa San Juan City.
Solido ang puwersa ng Rising Suns dahil magkakasama ang back-to-back MVP ng UAAP sa huling dalawang taon na si Marck Jesus Espejo at dating MVP at national player na si Peter Torres upang gabayan ang koponan sa posibleng kampeonato sa walong koponang liga na inorganisa ng Sports Vision.
Ang Rising Suns ay sasalang sa aksyon laban sa Cignal HD Spikers sa natatanging laro ng liga at magsisimula sa ganap na alas-9 ng umaga.
Ipantatapat ng HD Spikers sina Reyson Fuentes, Alexis Faytaren, Jay dela Cruz at Lorenzo Capate Jr. sa planong makapanggulat agad sa ligang handog ng PLDT Home Ultera at may ayuda ng Mikasa.
Ang iba pang koponang kasali ay ang Instituto Estetico Manila, Cavite Patriots Fourbees, Air Force, Army, PLDT Ultera at Champion Infinity na dating nakilala bilang Systema.
Ang IEM ay magtatangka na masundan ang titulong napanalunan sa men’s division ng Shakey’s V-League noong nakaraang taon at aasa sila sa husay nina Carlo Almario, Jason Canlas at MVP ng torneo na si Jeff Jimenez.
- Latest