Pinoy pride 30 dominasyon ni Nietes tatapusin ni Parra
MANILA, Philippines – Tatapusin ni Gilberto Parra ang pagdodomina ni Donnie Nietes sa mga Mexican boxers sa kanilang pagtutuos sa Sabado para sa WBO World Jr. flyweight title.
Si Parra ay iniharap sa mga mamamahayag kasama ang tatlong iba pang dayuhang boksingero na kasama sa Pinoy Pride 30 na gagawin sa Smart Araneta Coliseum at buo ang tiwala ng Mexicano na mananalo sa laban.
“We know the history of Nietes with Mexican fighters. But everything has an ending and this Saturday is the ending of Nietes,” bulalas ni Parra sa pamamagitan ng interpreter.
Wala pang Mexican boxer na nanalo kay Nietes pero sinabi ni Parra na napag-aralan ng kanyang kampo ang istilo nito kaya’t naniniwalang magwawagi sa main event sa fight card na handog ng ALA Promotions at suportado ng ABS-CBN.
“I’m fully prepared to take him. I’m only thinking of a win and I will fight with my heart,” dagdag ni Parra (19-2, 17KO) sa kaganapang ginawa sa Sequoia Hotel sa Quezon City.
Dumalo rin sa pagtitipon sina William Prado ng Brazil, Rodolfo Hernandez ng Mexico at Prosper Ankrah na haharapin sina Nonito Donaire Jr., Albert Pagara at Ryo Akaho ng Japan ayon sa pagkakasunod.
Alam ni Prado (22-4-1, 15KO) na hindi birong laban ang kanyang haharapin kay Donaire na isang five-division world champion at nais na bumangon matapos ang sixth round knockout na pagkatalo kay Nicholas Walters ng Jamaica.
“I respect him a lot because he has won five titles. But I came here to make a good fight,”ani Prado.
Paglalabanan nina Prado at Donaire ang bakanteng WBC NABF Super Bantamweight title.
Si Hernandez at Pagara ay magtutuos para sa IBF Inter-Continental Jr. Featherweight title habang sina Ankrah at Akaho ay magbabakbakan para sa WBO International bantamweight title.
Ang mga magtutuos ay magkikita ngayon sa pulong pambalitaan sa Solaire Resort and Casino at bukas naman gagawin ang weigh-in sa Big Dome.
- Latest